“Mabilis lumimot ang panahon…”
Hinding-hindi mo pwedeng pagkatiwalaan ang espasyo at panahon. Minsan, magkakuntsaba pa ang dalawang ‘yan. Parang partners in crime na kapag gumawa ng krimen, malinis, walang sabit, absuwelto, at ang pinakamalala sa lahat, wala kang kawala sa sakit.
May na-realize lang ako noong nakaraang linggo – wala akong maaasahan sa mga bagay na hindi lamang espasyo at panahon ang pumapagitan, kundi pati sa mga bagay na hindi umiral at walang planong umiral. At kailangan kong matutunang lumimot, gaya ng paglimot ng panahon sa nangyayari sa sinoman.
Madalas nating sabihing mahirap ang paglimot. Oo, mahirap naman talaga lalo na kung pinipilit nating huwag kalimutan ang mga sinasabi nating dapat kalimutan. Minsan, pinapahirapan lang natin ang ating mga sarili dahil mas masaya tayo sa pananatili ng alaala, o kung hindi man masaya ay takot tayong harapin ang buhay na may nakalimutan. Mas gusto nating ngumawa kapag wala nang magawa at pakiramdam natin ay nababawasan na ang ating pagiging tao, dahil kapag nasasaktan tayo, pakiramdam natin ay buo ang pagkatao natin. Mas gusto nating alalahanin ang mga masasakit, para umasa lang din sa maaaring maghilom nito. Baliw lang talaga tayong lahat. O pwedeng ako lang.
Sige, ako na lang.
Sakit ko ito e. Sobrang umaasa sa panahon at himala – may magugustuhang tao at kung hindi pwede ngayon, baka pwede bukas. Kinokontra naman madalas ng panahon at realidad – kung hindi pwede ngayon, malamang hindi pa rin pwede bukas, asa pa. Kung minsan, pinaglalaruan ng panahon at distansya – hindi na mga pwede, lalayo pa. Minsan, pinagsakluban pa ng langit at lupa, panahon at distansya at pinagkaitan ng himala – ito ang meron ngayon, wag nang umasa pa sa bukas. Pero kahit ganyan, wala, asa pa rin nang asa hanggang itambad na lang sa harapan ko ang walang kasing pait na realidad – HINDI NIYA AKO GUSTO. At kahit ilang beses ko pang pagbali-baliktarin, hindi maaaring lumabo ang katotohanang ito. Makokontento na lang ako sa mga pagbabaka-sakali, hanggang sa mismong ako ay lamunin ng espasyo at panahon, makakalimot pero hindi makakaligtas sa sakit.
Sana lang madaling lumimot, o kaya’y madaling bumitaw sa mga pagbabaka-sakali, o sa pag-asa sa hinaharap. Pero hindi e. Mapanlinlang nga naman kasi talaga ang panahon. Walang sinasanto, maging kahapon man ‘yan, ngayon, o bukas. Mahirap bitawan ang nakaraan, mahirap harapin ang ngayon, at nakakatakot ang maaaring mangyari bukas. Sinong hindi mababaliw sa ganitong sistema? Dagdagan mo pa ng espasyo – mapakonti o maparami, masama. Hindi mo matantya-tantya kung kailan sakto ang espasyo. Malalaman mo na lang na masama kung sobrang dami na pala, o sobrang layo na niya. At madalas, huli na ang lahat para solusyunan pa dahil, nakipagkuntsabahan na ang espasyo sa panahon, at nagtampo na ang himala, at hindi na kayo mahagilap ng pagkakataon.
Masaklap at masakit, pero ito ang mga bagay na kailangan kong harapin ngayon. O tanggapin? Kaysa pahabain ko pa ang panlilinlang ng espasyo at panahon, harapin ko na lang ang katotohanan na wala akong mapapala sa mga pinanghahawakan ko, dahil unang-una sa lahat, hindi ko man lang naman nahawakan ang mga ito.
Disyembre 4, 2007
Baguio City