Monday, December 3, 2007

Closure

Mabilis lumimot ang panahon…

Hinding-hindi mo pwedeng pagkatiwalaan ang espasyo at panahon. Minsan, magkakuntsaba pa ang dalawang ‘yan. Parang partners in crime na kapag gumawa ng krimen, malinis, walang sabit, absuwelto, at ang pinakamalala sa lahat, wala kang kawala sa sakit.

May na-realize lang ako noong nakaraang linggo – wala akong maaasahan sa mga bagay na hindi lamang espasyo at panahon ang pumapagitan, kundi pati sa mga bagay na hindi umiral at walang planong umiral. At kailangan kong matutunang lumimot, gaya ng paglimot ng panahon sa nangyayari sa sinoman.

Madalas nating sabihing mahirap ang paglimot. Oo, mahirap naman talaga lalo na kung pinipilit nating huwag kalimutan ang mga sinasabi nating dapat kalimutan. Minsan, pinapahirapan lang natin ang ating mga sarili dahil mas masaya tayo sa pananatili ng alaala, o kung hindi man masaya ay takot tayong harapin ang buhay na may nakalimutan. Mas gusto nating ngumawa kapag wala nang magawa at pakiramdam natin ay nababawasan na ang ating pagiging tao, dahil kapag nasasaktan tayo, pakiramdam natin ay buo ang pagkatao natin. Mas gusto nating alalahanin ang mga masasakit, para umasa lang din sa maaaring maghilom nito. Baliw lang talaga tayong lahat. O pwedeng ako lang.

Sige, ako na lang.

Sakit ko ito e. Sobrang umaasa sa panahon at himala – may magugustuhang tao at kung hindi pwede ngayon, baka pwede bukas. Kinokontra naman madalas ng panahon at realidad – kung hindi pwede ngayon, malamang hindi pa rin pwede bukas, asa pa. Kung minsan, pinaglalaruan ng panahon at distansya – hindi na mga pwede, lalayo pa. Minsan, pinagsakluban pa ng langit at lupa, panahon at distansya at pinagkaitan ng himala – ito ang meron ngayon, wag nang umasa pa sa bukas. Pero kahit ganyan, wala, asa pa rin nang asa hanggang itambad na lang sa harapan ko ang walang kasing pait na realidad – HINDI NIYA AKO GUSTO. At kahit ilang beses ko pang pagbali-baliktarin, hindi maaaring lumabo ang katotohanang ito. Makokontento na lang ako sa mga pagbabaka-sakali, hanggang sa mismong ako ay lamunin ng espasyo at panahon, makakalimot pero hindi makakaligtas sa sakit.

Sana lang madaling lumimot, o kaya’y madaling bumitaw sa mga pagbabaka-sakali, o sa pag-asa sa hinaharap. Pero hindi e. Mapanlinlang nga naman kasi talaga ang panahon. Walang sinasanto, maging kahapon man ‘yan, ngayon, o bukas. Mahirap bitawan ang nakaraan, mahirap harapin ang ngayon, at nakakatakot ang maaaring mangyari bukas. Sinong hindi mababaliw sa ganitong sistema? Dagdagan mo pa ng espasyo – mapakonti o maparami, masama. Hindi mo matantya-tantya kung kailan sakto ang espasyo. Malalaman mo na lang na masama kung sobrang dami na pala, o sobrang layo na niya. At madalas, huli na ang lahat para solusyunan pa dahil, nakipagkuntsabahan na ang espasyo sa panahon, at nagtampo na ang himala, at hindi na kayo mahagilap ng pagkakataon.

Masaklap at masakit, pero ito ang mga bagay na kailangan kong harapin ngayon. O tanggapin? Kaysa pahabain ko pa ang panlilinlang ng espasyo at panahon, harapin ko na lang ang katotohanan na wala akong mapapala sa mga pinanghahawakan ko, dahil unang-una sa lahat, hindi ko man lang naman nahawakan ang mga ito.


Disyembre 4, 2007
Baguio City

13 comments:

  1. umurong ang dila ko... i feel you te xiaui =(

    ReplyDelete
  2. tango.
    iling.

    iling.

    hindi ko alam kung tatango ako o iiling.

    tumango ako sapagkat ito'y mga katotohanang dumadambana sa mga "may sakit" na gaya ko rin. minsan talaga wala nalang akong magawa kung hindi umamin sa sarili na marahil, ganito nga- kabilang siguro ito sa mga batas ng kalikasan kung saan sapot-sapot ang lahat. naka- "package" ang mga pangyayari, "buy one, take one".

    hindi ko alam at hindi ko na marahil malalaman..kaya iiling na lamang ako.

    ReplyDelete
  3. sabi nga sa kasabihan, "kung may nagsarang pinto, may magbubukas na bintana." :(

    ReplyDelete
  4. oh, di ba dapat hopeful yang kasabihan na yan te xiaui? eh bakit me sad face ngarud yan?!

    ReplyDelete
  5. E kasi... ayoko lang sumilip sa bintana... hehehe... stubborn lang talaga ako. hehehe

    ReplyDelete
  6. Nakaka-relate ako... Nakakalungkot kasing isipin na kakalimutan ko ang isang bagay o pangyayari na minsang nagpasaya sa akin. (emote)

    ReplyDelete
  7. Ngayon mas malinaw na...
    Try to cheer up,k? Things like these tend to change people for the better.
    yun lang, ganun talaga...
    We change either we strongly wanted to, or we get hurt so bad that we have to...
    One day we all will realize that all things work together for good...

    ReplyDelete
  8. I'm super okay, promise. Hindi ko naman talaga pinoproblema 'yun. :D

    ReplyDelete
  9. that's great! cge work na muna ako...

    ReplyDelete
  10. Paano mag-quote?

    eniweis... sabi mo...."Mahirap bitawan ang nakaraan, mahirap harapin ang ngayon, at nakakatakot ang maaaring mangyari bukas."

    Ilang beses na kitang nakitang labanan ang mga takot na tulad nito, kaibigan ko. Tulad dati at sa mga darating pang pangyayaring tulad nito, alam nating malalampasan mo uli silang taas noo at mas matatag. hehehe

    Kelan ka baba? akyat ako Banaue sa 27 ng gabi. Kasal ng bro ni seal sa 28 dun e.

    ReplyDelete
  11. 21 ng gabi. kina pol muna ako magstay. pano yung kay che?

    ReplyDelete