Friday, May 2, 2008

Lilipad Na Ako




Para lang akong ibon na napadpad sa ibang gubat. At dahil malaya ako, lilipad na naman ako pero hindi ko alam kung hanggang kailan ako lilipad at kung saan ako makakakita ng pwedeng madapuan. Nakakapagod lumipad nang walang pupuntahan. Pero nakakapagod ding hindi gamitin ang mga pakpak. Kaya, lilipad na lang ako -- makikipagniig sa himpapawid na kumakalinga sa akin, susuungin ang hanging maaaring makasugat o makahilom. At bahala na ang araw at buwan kung gusto nilang mangulit, maging ang ulap kung gusto nilang magtanggol o mang-api.

Hindi ko na mabibitbit ang mga dati kong bagahe. Iiwan ko na 'yun. Hindi ko na rin naman 'yun magagamit. Ang iba nun ay tinangay na ng hangin, ang iba kinain na ng uod, 'yung isa naibaon na sa limot. Bago ang mga bibitbitin ko, magagaan lang para mas madali akong makakalipad. At mas madali kong maaalala ang daan papunta dito.

Salamat sa lahat, sa mga nagpawala ng mga mabibigat kong bagahe, sa pagbibigay ng bagong babauning alaala, sa mga taong nagmahal at minahal, sa lahat ng meron at wala dito. Salamat sa pagkakataon na magkaroon ng saysay sa buhay, kahit hindi ganoon kalaki ang dating ko at mga naibahagi ko, masaya na ako na may saysay ang pananatili ko dito sa loob ng dalawang taon.

Hanggang sa  muling paglipad at pagkakapadpad.

2 comments:

  1. lipad darna, lipad! este ma'am xiaui pala. miss na kita. kainis ka nakakagulat ka nung isang araw. hehehehe... til we see each other again. (dito sa multiply pwde pa hehehehe)

    ReplyDelete
  2. mamimiss ko kayo!!! Ahehehe... manggugulat ulit ako sa susunod! Ahihihi :D

    ReplyDelete