Friday, November 16, 2007

Litanya ng Isang Dukha

Sino ba ang nagsabing
tatlong beses dapat kakain sa isang araw?
Isa lang ang kaya ko --
Konting kanin, konting ulam
Tipid-tipid pa dahil kailangang
may matira,
Para sa alagang daga,
at ipis,
at butiki.

Sino ba ang nagsabing
araw-araw dapat nagpapalit ng damit?
Isa lang ang damit ko -
Nanlilimahid na shorts, nanalilimahid na t-shirt
Tiis-tiis sa amoy na nanikit sa katawan
dahil bukas,
titiising muli ang amoy ko,
na para ng aso,
at pusa,
at ihi ng daga.

Sino ba ang nagsabing
minu-minuto ninyo akong tingnan,
at tingnan lamang?
Dadaanan,
Susulyapan,
Lalagpasan,
Na parang walang nakita,
Na parang walang nangyari,
Na parang walang silbi.
At makikita ko ang aking sarili
Sa pahayagang
Nagpapainit sa aking gabi.

Nobyembre 16, 2007

2 comments: