Wednesday, January 23, 2008

My Roommate's Best Friend

Dumating siya sa buhay ko sa hindi inaaasang pagkakataon. Hindi ko pa rin nga maintindihan kung bakit ba kami naging magkaibigan samantalang halos magkaiba ang mga ugali namin. Madalas akong mapikon sa kanya dahil mahilig siyang mamikon. Ang galing-galing niyang mamilosopo. Ang totoo, magaling lang talaga siyang lumusot at magpalusot. Lagi siyang may dahilan sa lahat ng bagay. Akala ko noon, hindi niya ako mahal. Pero sa kanyang sariling paraan, at kahit hindi niya sabihin, alam ko mahal niya ako... bilang kaibigan.

Hindi ko pwedeng makalimutan ang unang beses na nakita ko siya. Aplikante ako noon sa isang org sa UP, 2nd year college ako at ang tindi ng pagkamahiyain. Lagi akong nakayuko, bibihirang magsalita at ngumiti. Ilap ako sa mga tao noon, lalo na sa mga bagong kakilala. Dumating siya at nangulit sa mga taong kakilala niya, maging sa mga bagong mukha. Nang ipinakilala kami, ayun, nginitian naman niya ako. Pero hindi doon nagsimula ang pagkakaibigan namin. Lumipas pa ang isang taon bago ko talaga siya nakilala nang lubusan. Kung hindi pa dahil sa pagiging “autistic” niya, baka hindi na talaga kami naging friends.

Hindi ko pa rin naiintindihan ngayon kung ano talaga ang problema niya nung araw na 'yun e, pero pinili kong samahan siya kahit hindi naman niya talaga ipinapaliwanag sa akin ang dahilan ng madalas niyang paglayas sa tambayan, madalas na pag-iisa at madalas na pag-space-out. Pagkatapos noon, nagpapalitan na kami ng sulat: mahaba, maiksi, may kuwenta, walang kuwenta, kahit anong gusto naming sabihin at sulatin. Parang naging extension ng diary namin ang isa't isa. Madalas ring mag-asaran sa telepono, at mas madalas ako ang naaasar. Madalas din kaming tumatambay sa Ilang-Ilang, sa Vinzons Hill, sa Sunken. Madalas naming pagkuwentuhan ang mga bagay-bagay na sa totoo lang ay walang katuturan. At siyempre, hindi mawawala ang usapan namin tungkol sa mga problema namin sa pag-ibig.

May gusto siya noon na orgmate namin na kaklase din niya sa isang subject, pero hindi niya maligawan kasi nililigawan na nang barkada niya. Mga nakaw na sulyap na lang ang nagagawa niya, mga nakaw na sandali lalo na noong nagpunta sila sa Naga. Obviously, walang nangyari sa lovestory nila.

Nainlove ulit siya, sa isang orgmate ulit namin. This time, hindi na lang barkada niya ang karibal niya kundi pinsan na niya. Maling-mali ang mga nangyari dahil aksidente lamang ang pagkakakilala ng pinsan niya at ng taong gusto niya. Matagal-tagal din niyang ininda ang sakit pero wala pa rin siyang magawa dahil sa tingin niya e sagot na sa mga panalangin niya para sa pinsan niya ang nangyari.

Sa lahat nang ito, ginampanan ko ang papel ng isang mabuting kaibigan, tagapakinig sa lahat ng angas niya, sa lahat ng mga gusto niya sanang mangyari na hindi naman nangyari. Minsan tagapayo lang ako, minsan tagaasar lang. Binigyan ko pa nga siya ng “spaceship” para sa tuwing kakailanganin niya ng kausap, mas madali na siyang makapunta sa akin. Pero ang hindi niya alam, habang nag-e-emote siya sa pag-ibig na hindi maisukli sa kanya, ako'y katulad niyang nag-e-emote dahil alam kong hindi niya masusuklian ang pagtingin ko sa kanya. Hindi niya alam na sa lahat ng iyak na ibinubuhos ko balikat niya ay dahil sa kanya, na sa tuwing susulat ako sa kanya ay dahil namimiss ko siya, na sa tuwing gagamitin ko ang spaceship namin 'yun ay para magpapansin sa kanya. Pero dahil kaibigan niya lang ako, wala rin naman akong nagawa kundi magmasid sa isang tabi at siguraduhing okey siya. Minsan, naka-invisible mode pa nga e.

Nasanay na ako sa ganoong sitwasyon. Akala ko pagkatapos ng masaklap na pagkabigo niya sa pag-ibig ay makikita na niya ako sa ibang pananaw, pero mali pala ako. Na-inlove ulit siya sa isang “almost perfect” na girl. This time, medyo hindi na malinaw ang komunikasyon namin. Hindi ko na nga alam kung kelan ba siya nagsimulang manligaw dun sa girl e. Bigo pa rin siya na makuha ang pag-ibig ni “almost perfect girl”. At sa mga sandaling ito, hindi na ako ang dumadamay sa kanya. Hindi ko na rin napansin na may iba na pala siyang sinusulatan, na may iba nang nagko-comfort sa kanya, na may iba na siyang “bestfriend”, na hindi na gumagana ang spaceship na bigay ko sa kanya.

And the funny thing was, roommate ko 'yung bago niyang bestfriend.  Matagal bago ko nakita na bumaba na naman ang puwesto ko sa buhay niya. At nung makita ko silang magkasama, alam kong wala na akong magagawa. May nakita ako noon na hindi ko naman maexplain pero alam kong hinding-hindi ko na sila pwedeng paghiwalayin. Naging honest naman ang roommate ko sa akin tungkol sa nararamdaman niya. They became closer. And then they fell inlove.

May iba na rin akong gusto noong naging sila pero for some reasons na hindi ko maintindihan, nagkulong ako sa kuwarto for two days at nag-iniyak noong sinabi sa akin ng roommate ko na sila na. Sabi ko sa sarili ko noon, “bakit ako umiiyak, wala naman na akong gusto sa kanya.” Pero parang gusto ko lang iiyak ang mga luha na naimpid sa kung saang sulok ng aking alaala. Gusto ko lang din sigurong iiyak ang panghihinayang sa mga sulat niya na sinunog ko dahil sa sama ng loob, na sana hindi ko na lang sinunog para hanggang ngayon may natitira akong alaala noong ako pa ang madalas niyang sabihan ng mga naiisip niya. Siguro rin, pinakawalan ko na siya ng tuluyan at nagpapasalamat na magiging masaya na rin siya. Dahil kahit ilang beses na siya ang rason sa mga luha ko, hindi ko pwedeng itanggi na naging mabuti siyang kaibigan sa akin, na sa aming dalawa siya ang nagtabi ng sulatan namin, na masaya akong makita siyang masaya.

Noong 26th birthday ko, abay ako sa kasal nila.


January 24, 2008

4 comments: