Thursday, August 23, 2007

Nang-aasar Lang Ako

Isang kapana-panabik na araw ang naghihintay sa mga estudyante ng PI 100, sections JD and JR, bukas dahil midterms nila sa PI 100. Ano kaya ang naghihintay sa mga estudyante ko? Ating abangan...

Ang highest, ililibre...
Ang bagsak, manlilibre...

Monday, August 20, 2007

Acoustic Night and Poetry Reading

Start:     Aug 21, '07 5:30p
Location:     Lobby, UPB
Balintuna Launching

Bagong Antipara sa Lumang Mukha

"Nakakakita na akong muli..."

Pinalagyan ko na ng bagong lente ang aking salamin para naman may silbi na ang pagsusuot ko nito. Hindi na nakatiis ang aking sarili at pinagbigyan ko ring ayusin na ang aking salamin. Ngayon, dalawa na ang salamin ko sa mata. Kapag hindi pa naman ako nakakita niyan, ewan ko na. :D

Php400 pesos lang ang ginastos ko sa pagpapalagay ng lente sa salamin ko. 'Yung isa kong salamin, mahal 'yun kaya nahirapan akong palitan. Bale dito sa bago, mura lang talaga ang nagastos ko. Php 60 lang ang frame at Php 400 ang lenses. Kumpara sa Php5000 salamin sa mata! Super mura na nito, diba. Ayun. Makikita ko na 'yung mga estudyante kong pasaway... hahaha... hindi na sila makakapagtago sa akin! Goodluck sa kanila! :D

4asc96 gimik sessions




oo, matatanda na kami... pero makukulit pa rin... hehehe

Tuesday, August 14, 2007

Sundo

Kagabi pa ako sinusundo ng langit. Bumaba ang mga ulap at lumatag sa aking harapan. Niyaya akong sumama, sumakay at pumalaot sa kalawakan habang ibinubulong ng hangin ang matatamis niyang pangungulila sa akin. Tinatakbuhan ko lamang siya. Nagpapahabol, dahil ayokong sumama.

Bawat lingon ko'y ang pagsundo niya ang naaapuhap. Halos yakapin ako ng kanyang mga ulap sa tuwing naaabutan niya ako at nagmamakaawang yakapin ko rin ang kanyang kairalan. Patuloy lang naman akong tatakas sa kanyang bisig ngunit  lalo lamang niyang iniiihip ang kanyang kapighatian at hindi niya ako pinapakawalan. Nanlalamig na ako sa higpit ng kanyang yakap. Makailang ulit ko mang takasan ang kanyang bisig at magkubli sa ilalim ng patung-patong na damit ay hindi sumasapat. Tataghoy siya at hihimig sa saliw ng napakalamig na hanging dumadampi sa aking pisngi. Ganito siya humalik.

Naninibugho siya sa mainit na tsokolateng aking kaulayaw. At patuloy na magtatagumpay na paalisin ang katunggali, hanggang sa ang kaulayaw na tsokolate'y lamunin na ng kanyang kairalan.

Binale-wala ko siya buong magdamag subalit matindi ang kanyang pangungulit at ako'y hindi pinatulog sa kanyang walang humpay na panunuyo. Hanggang sa kinaumagahan ay patuloy ang kanyang panunuyo, walang humpay maging hanggang sa katanghalian. Ang wika niya sa aki'y ganito:

"Hindi kita lulubayan hanggang ika'y mapasaakin. Kahit ilang araw pa akong manatili dito sa lupang minamahal mo, maghihintay lang ako sa'yo dito hanggang ikaw na mismo ang lumapit sa akin. At sa araw na darating ang pagkakataong iyon, hinding-hindi kita tatanggihan."

Monday, August 13, 2007

Pipol




Jazz For Tonight



Invited po kayong lahat sa "Jazz for Tonight", isang gabi na puro jazz ang tugtog na gaganapin sa Par 7, Baguio Country Club sa Setyembre 15, 2007, alas-7 ng gabi! Presented by the Baguio Writers Group, Baguio Country Club and Smart. Limited lamang po ang seats ko kung gusto ninyong pumunta, magtext lamang po sa 09279890191. (A minimum of P300 donation will be collected upon entry.)
Punta po tayo!

Jazz for Tonight

Start:     Sep 15, '07 7:00p
Location:     Par 7, Baguio Country Club
Baguio Writers Group, Baguio Country Club and Smart present "Jazz for Tonight" with Jacqui Magno, Gou de Jesus, Richard Carnio, Butch Cando, Desiree Caluza, Jeanifer Abubo, Egay Munji and Ivan Cruz.

Limited Seats so pls call or text 09279890191.

*a minimum of P300 donation will be collected upon entry

Multo

Nadadala na akong lingunin ang iyong tawag
'Pagkat sa bawat pagtatangka'y kawalan ang humaharap.
Naglalaho ka sa kawalan
At ako'y iniiwan mong sugatan.
Nararamdaman kong nandiyan ka,
Kahit sabihin ng mga mata kong hindi ka nila nakikita.
Ang yakap mo'y aking nadarama,
Nagpapakalma sa aking pagkabalisa.
Sa tuwing naririnig kong tinatawag mo ako,
Alam kong kinakailangan mo ako.
Subalit ayokong pakinggan ang iyong bawat tangis
Dahil kasinungalingan lamang ang bawat hinagpis.
Lubos nang kapalaluan ang pagtatangkang ika'y hawakan,
Dahil sa iyo'y walang katumbas ang pag-iral kong tangan.
Makita man kita at tuluyang mahawakan
Ay magpupumiglas ka pa rin sa aking mga kamay.
'Wag mo na akong multuhin ng yakap mo't bisig;
'Wag mo na akong linlangin ng malambing mong tinig;
sapagkat hindi ko mapipigilang maglaho kang muli sa kawalan
At iiwan mo akong muling sugatan.


Sharon Feliza Ann P. Macagba
Pebrero 6, 2003
Main Library, UP Diliman

Nawawala ka sa Aking Panaginip

Hinahanap kita sa aking
panaginip,
sa mga hardin
na ating tinatakbuhan.
Nasaan na ang mga bulaklak
na napupuno ng
halimuyak at kariktan?

Hinahanap kita sa aking
panaginip,
sa dalampasigan
na ating tagpuan.
Nasaan na ang alon
na sumasabay sa pagkampay
ng panaginip
na nagdududlot ng kasiyahan?

Hinahanap kita sa aking
panaginip,
sa mga hardin
na dati nating tinatakbuhan
at sa dalampasigan
na dati nating tagpuan,
subalit tila maging sa
panaginip
ay nanunuyo ang mga talulot ng
bulaklak,
maging ang alon
ay nang-aanod pantungo
sa ibang
pangpang.

Hindi na kita matagpuan.


Sharon Feliza Ann P. Macagba
Nobyembre 26, 1999
UP Diliman

Anino

Nakita ko ang anino mo kagabi,
Naghihintay
Habang halukipkip ko sa aking dibdib
ang kalungkutan ng pag-iisa.
“Anong ginagawa mo,” pabulong kong tanong.
“Sasamahan kita,” ang wika mo,
Sabay upo malapit sa sulok na kinauupuan ko.
Hindi kita sinulyapan,
Ni hindi kita inimikan,
Subalit nakita ko ang anino mo buong gabi –
Sinamahan mo ako.

Nakita ko ang anino mo kagabi,
Nagmamasid
Habang naliligaw ang paa ko
sa hindi maapuhap na kasiguruhan.
“Anong ginagawa mo,” tanong ko sa iyo.
“Alam ko ang daan, hindi ka maliligaw,” sagot mo,
sabay turo sa daan na dapat kong lakaran.
Hindi kita tiningnan,
Ni hindi kita inimikan,
Subalit nakita ko ang anino mo buong gabi –
Sinabayan mo akong maglakbay.

Nakita ko ang anino mo kagabi,
Lumuluha
Habang pilit kong tinatahak
ang nakalululang bangin ng kapahamakan.
“Anong ginagawa mo,” singhal ko pa sa iyo.
“Ililigtas kita,” iyan ang sinambit mo,
Sabay yakap ng buong higpit sa nanginginig kong katawan.
Hindi kita nilingon,
Ni hindi kita inimikan,
Subalit nakita ko ang anino mo buong gabi –
Sinagip mo ako sa pagkakamali.

Nakita ko ang anino mo kagabi,
Umaasa
Habang patuloy ang pagpupumiglas ko
na makawala sa iyong hawak.
“Anong ginagawa mo,” sumbat ko
Sabay tambad sa mata ko ng liwanag,
tumatagos sa butas ng palad mo.
Nilingon kita,
Nahiya akong magsalita.
Ngumiti ka
At ang sabi mo'y
“Anak, mahal kasi kita.”


Sharon Feliza Ann P. Macagba
Pebrero 7, 2007
Baguio City

STETHOSCOPE

I.
Tibok.
Tibok.
Tumitibok
Dinggin ang tunog ng aking puso.
Tumitibok.
Tumitibok.
Naririnig mo ba?
Dinggin mo,
Dinggin mo,
Umaawit siya:
Taglay ang samyo ng daan-libong nota
Sumasabay sa kanta ng dumadamping ligaya.
O kay husay ng kanyang pagkanta.

II.
Tibok.
Tibok.
Tumitibok.
Dinggin ang tunog ng aking puso.
Tumitibok.
Tumitibok.
Nakikinig ka ba?
Dinggin mo,
Dinggin mo,
Umaawit siya:
MIstulang buhay niya ang hindi lumilisang ligaya.
O kay husay ng kanyang pagsinta.

III.
Tibok.
Tibok.
Tumitibok pa ba?
Tumitibok.
Tumitibok.
Bakit biglang nag-iba ang kanta?
Dinggin mo,
Dinggin mo,
Nagkukulang ang nota:
Humina ang dampi ng lumilisang ligaya
Napalitan ng hinagpis ang tono ng kanta.
Naririnig mo ba?

IV.
Tibok.
Tibok.
Tumitibok pa.
Tumitibok.
Tumitibok.
Naririnig mo ba?
Dinggin mo,
Dinggin mo,
Tumataghoy siya:
Taglay ang sugat ng daan-libong bala
Sumasabay sa tangis sa paglisan ng ligaya.
O kay pait ng kanyang pagluha.

V.
Tibok.
Tibok.
Tumitibok.
Dingging muli ang aking puso.
Tumitibok.
Tumitibok.
Makikinig ka pa ba?
Dinggin mo,
Dinggin mo,
Umaawit pa siya:
Taglay ang saklay ng walang-hanggang pag-asa,
Sasabay sa kanta na kanyang malilikha.
May bago siyang himig na makakatha.


Sharon Feliza Ann P. Macagba
Enero 25, 2007
Baguio City

May Manlilibre

Start:     Aug 27, '07
Location:     Penpen
Isang mabait na bata ang manlilibre sa Penpen! Yehey!!!

Talastasan

Start:     Aug 17, '07 1:30p
Location:     MPH, UP Baguio

Tuesday, August 7, 2007

Diz Ez Et

"It's time now, to sing out though the story never ends.
Let's celebrate, remember a year
in the life of friends." --Seasons of Love

Hindi ko alam kung hanggang kailan at kung hanggang saan. Ngunit malapit-lapit na ang katapusan. Sa loob ng isang taon at kalahati, sa palagay ko naman ay nagawa ko ang mga dapat kong gawin. Kung sakali mang putulin ang paglalakbay ko dito, alam kong marami akong babauning alaala. Hindi ko man maisako ang hamog, dadalhin ko sa aking alaala ang masasayang sandali ng aking pananalagi.

Hindi ko hawak ang panahon. Marahil hanggang dito na lang ang paglalakbay na ito. Kung saan man ako dalhin ng pagkakataon, kita-kita na lang sa susunod na pagkakataon.

O maaari rin namang mahaba-haba pa ang ating pagsasamahan. Hindi ko alam at hindi ako sigurado.

Monday, August 6, 2007

Buwan IX (para kay Ping)


Hindi ka diyosa
upang masinagan ng kanyang
nakahuhumaling na liwanag.
Wala ka ring ningning
upang maakit ang kanyang
pihikang mga mata.
Hindi ka bituin
upang makaulayaw siya
sa parehong langit.
Wala ka ngang pakpak
upang abutin ang tinatapakan
ng kanyang mga paa.
Hindi ka anghel
na kakanlungan niya sa iyong
pag-iisa.
Wala ka ngang kasama
kahit dito sa iyong lupa.

Tapos aasa ka sa panaginip
at sa gabing namumukadkad
ang sinag niya sa kanyang langit,
Lalangoy ka
sa magdamagang
paghanga,
Matutuwa,
Subalit pagsapit ng umaga'y
alam mo namang siya'y
mawawala.
Tigilan mo na
ang pagsulyap sa kanya,
Wala ka rin namang mapapala;
Dahil kahit magmilagro ang langit
at ambunan ka ng biyaya,
Hindi-hindi naman siya bababa.


Sharon Feliza Ann P. Macagba
Pebrero 14, 2007
Baguio City

Buwan X



Didiligan ko
ng haraya ang aking katawan,
at pauusbungin ko
ang aking pakpak.
Lilipad ako.
Tatahakin ang kalawakang
pumapagitan,
hanggang sa ang lupa'y
lumayo
sa akin
at ang iyong kairalan
ay aking angkinin.


Sharon Feliza Ann P. Macagba
21 Pebrero 2007