Nakita ko ang anino mo kagabi,
Naghihintay
Habang halukipkip ko sa aking dibdib
ang kalungkutan ng pag-iisa.
“Anong ginagawa mo,” pabulong kong tanong.
“Sasamahan kita,” ang wika mo,
Sabay upo malapit sa sulok na kinauupuan ko.
Hindi kita sinulyapan,
Ni hindi kita inimikan,
Subalit nakita ko ang anino mo buong gabi –
Sinamahan mo ako.
Nakita ko ang anino mo kagabi,
Nagmamasid
Habang naliligaw ang paa ko
sa hindi maapuhap na kasiguruhan.
“Anong ginagawa mo,” tanong ko sa iyo.
“Alam ko ang daan, hindi ka maliligaw,” sagot mo,
sabay turo sa daan na dapat kong lakaran.
Hindi kita tiningnan,
Ni hindi kita inimikan,
Subalit nakita ko ang anino mo buong gabi –
Sinabayan mo akong maglakbay.
Nakita ko ang anino mo kagabi,
Lumuluha
Habang pilit kong tinatahak
ang nakalululang bangin ng kapahamakan.
“Anong ginagawa mo,” singhal ko pa sa iyo.
“Ililigtas kita,” iyan ang sinambit mo,
Sabay yakap ng buong higpit sa nanginginig kong katawan.
Hindi kita nilingon,
Ni hindi kita inimikan,
Subalit nakita ko ang anino mo buong gabi –
Sinagip mo ako sa pagkakamali.
Nakita ko ang anino mo kagabi,
Umaasa
Habang patuloy ang pagpupumiglas ko
na makawala sa iyong hawak.
“Anong ginagawa mo,” sumbat ko
Sabay tambad sa mata ko ng liwanag,
tumatagos sa butas ng palad mo.
Nilingon kita,
Nahiya akong magsalita.
Ngumiti ka
At ang sabi mo'y
“Anak, mahal kasi kita.”
Sharon Feliza Ann P. Macagba
Pebrero 7, 2007
Baguio City
No comments:
Post a Comment