Kagabi pa ako sinusundo ng langit. Bumaba ang mga ulap at lumatag sa aking harapan. Niyaya akong sumama, sumakay at pumalaot sa kalawakan habang ibinubulong ng hangin ang matatamis niyang pangungulila sa akin. Tinatakbuhan ko lamang siya. Nagpapahabol, dahil ayokong sumama.
Bawat lingon ko'y ang pagsundo niya ang naaapuhap. Halos yakapin ako ng kanyang mga ulap sa tuwing naaabutan niya ako at nagmamakaawang yakapin ko rin ang kanyang kairalan. Patuloy lang naman akong tatakas sa kanyang bisig ngunit lalo lamang niyang iniiihip ang kanyang kapighatian at hindi niya ako pinapakawalan. Nanlalamig na ako sa higpit ng kanyang yakap. Makailang ulit ko mang takasan ang kanyang bisig at magkubli sa ilalim ng patung-patong na damit ay hindi sumasapat. Tataghoy siya at hihimig sa saliw ng napakalamig na hanging dumadampi sa aking pisngi. Ganito siya humalik.
Naninibugho siya sa mainit na tsokolateng aking kaulayaw. At patuloy na magtatagumpay na paalisin ang katunggali, hanggang sa ang kaulayaw na tsokolate'y lamunin na ng kanyang kairalan.
Binale-wala ko siya buong magdamag subalit matindi ang kanyang pangungulit at ako'y hindi pinatulog sa kanyang walang humpay na panunuyo. Hanggang sa kinaumagahan ay patuloy ang kanyang panunuyo, walang humpay maging hanggang sa katanghalian. Ang wika niya sa aki'y ganito:
"Hindi kita lulubayan hanggang ika'y mapasaakin. Kahit ilang araw pa akong manatili dito sa lupang minamahal mo, maghihintay lang ako sa'yo dito hanggang ikaw na mismo ang lumapit sa akin. At sa araw na darating ang pagkakataong iyon, hinding-hindi kita tatanggihan."
No comments:
Post a Comment