Friday, February 15, 2008

Sa Araw ng mga Puso

Iisang pag-ibig lang ang kayang humugot sa tao mula sa kanyang kahibangan, ang kayang magbigay ng buong-buong pagmamahal na hindi mamamatay, at kayang magbuwis ng sarili kahit pa Kanyang ikamatay para lang masagip ang Kanyang mahal. At madalas ang pag-ibig na ito at ang kayang magbigay nito ang nakakalimutan natin lalo na sa panahong pag-ibig ang ipinagdiriwang.

Kahapon, ipinagdiwang ng buong mundo ang Araw ng mga Puso. Naglipana ang mga lovers na may hawak-hawak na rosas at balloons. Uso ang surpresa, uso ang cards, uso ang pula. Pag-ibig ang sinasambit ng buong madla. Uso rin ang mga nagluluksa, iyong walang kasama, iyong mag-isa, at iyong nagbibitter-bitter-an sa buhay; 'yung mga naglilitanyang "walang nagmamahal sa akin." Kung iisipin, isang normal na araw lang naman ang ika-14 ng Pebrero. Nagiging kakaiba na nga lang dahil pinauso ng mga kapitalista para magkamal ng salapi, at magpaawa sa mga taong hindi nakakasunod sa usong ito. Pero sa kabilang banda, ano naman ang masama sa pagse-celebrate ng araw ng mga puso, tutal natural na kaganapan naman sa buhay ng tao ang magmahal at mahalin.

Tulad ng karamihan, mag-isa lang din ako kahapon (hindi tulad noong isang taon kasi may event ang Baguio Writers Group noon, hindi masyadong naramdaman ang pag-iisa) at pinili ko na lang ding mag-isa. Pero hindi tulad ng ibang taong kontento sa kanilang pag-iisa, dinamdam ko ang mga sandaling iyon dahil sa pag-aakalang walang nagmamahal sa akin, at kahit kailan ay walang magpapahalaga. Hay naku, sa mga nakakakilala sa akin, malamang ang sasabihin n'yo ay forever ko nang litanya ito. Oo, at nakakatawa nga na nakakahiya lalo na doon sa nagmamahal at nagpapahalaga sa akin.

Aminin man natin o hindi, may mga moments sa buhay natin na isinasawalang-bahala natin ang mga taong nagmamahal sa atin, lalo na 'yung source ng lahat ng pagmamahal na meron sa mundo. At ito lang talaga ang pinag-uugatan ng lahat ng problema ko -- masyado na akong malayo sa Kanya na pati pag-ibig Niya ay hindi ko na nakikita, hindi ko na nakikilala.

Naisip ko tuloy, kung ako nga naiinsulto kapag 'yung taong mahalaga sa akin ay hindi nakikita ang pagpapahalaga ko, e Siya pa kaya na nandiyan lagi para sa akin, na nagbigay ng Kanyang buhay para lang sa akin? Ang kapal naman ng mukha ko para mag-angas na walang nagmamahal sa akin samantalang ayan Siya, nakatangyod, nagmamasid. Hindi ko lang napapansin kasi iba ang hinahanap ko.

Pero kung tutuusin, sa Kanya naman galing ang lahat-lahat ng klase ng pag-ibig sa mundong ito. At sa tingin ko, kung hindi mo alam ang love na galing sa Kanya, hindi mo magagawang mahalin ang sarili mo, mas lalong hindi mo magagawang magmahal ng ibang tao. Kaya siguro ako mag-isa dahil hindi ko naman nire-recognize ang presence Niya. Kaya siguro hindi pa dumarating ang taong magmamahal sa akin (romatically) ay dahil ako mismo ay hindi pa kaya (ulit) magmahal.

Naaalala ko 'yung sinabi ni Lau sa akin nung weekend. May letter daw siya sa akin dati, years ago, at nakalagay daw sa letter na 'yun kung gaano ko nakakayang magmahal kahit wala nang rason para magmahal. Sabi ko sa kanya, ganun nga ako dati. At natatakot akong baka hindi ko na ulit kayang magawa 'yun dahil sa sakit na naramdaman ko dati. Baka napiga na lahat, wala na akong kaya pang ibigay. Unfair naman 'yun para sa taong darating sa buhay ko, diba. At kung ngayon siya darating, masasaktan ko lang siya kasi hindi ko pa talaga kayang magmahal ng buong-buo. Hindi dahil takot akong magmahal, kundi hindi ko nakikita ang pagkukuhanan ko ng pagmamahal na nag-uumapaw. Kailangan ko munang makita si God, at muli Siyang mahalin, at tanggapin ang pagmamahal na ibinibigay Niya bago ko matutunang magmahal muli.

Uuwi na ako sa Kanya. Tama ang pagiging pasaway.

"Love cannot be commanded. It cannot be won by force or authority. Only by love is love awakened."

2 comments: