Monday, September 3, 2007

Kalabog: Isang Kuwentong Baliw

"Kung kaya mong isugal na hindi masaktan sa iyong pagtalon, sige lang, pero kung hindi ka sigurado, pag-isipan mo muna. Mataas 'yan." --Xiaui, habang nakikipagtalo kay Ligay

Baliw-baliwan na naman si Ligay. Nakatakas na naman mula sa kanyang mga bantay. Tumakbo siyang tila wala nang bukas. Umakyat siya sa tuktok ng pinakamataas na gusaling kanyang nakikita. Gusto niyang maramdaman ang hanging umiihip ng malakas sa tuktok ng gusali. Tumingala siya sa kalangitan, sinipat ang langit na nagmamasid sa kanyang kabaliwan.

"Ang saya-saya naman, nararamdaman ko ang hangin, nakikita ko ang langit. Tao pa rin ako!"

Pagkatapos ng kanyang pagkamangha sa hangin at langit, napayuko siya sa ibaba. Isang kabaliwan ang kanyang naisip...

"Tumalon kaya ako? Hmmm..."

Gustong-gusto niyang maramdamang may pakiramdam pa siya. Hindi sapat ang pagkaakit sa langit at pagyakap ng hangin. Kailangan niyang maramdamang nakakaramdam pa siya. At ano pa nga ba ang pinakamagandang paraan upang makaramdam kundi ang pagtalon mula sa pinakamataas na gusali.

"Gaga ka talaga!" Isang antipatikang tinig ang kanyang narinig.

"Ikaw na naman, bakit ka nandito? Sinusundan mo ako 'no... Siguro may crush ka sa akin," wika ni Ligay na animo'y nang-aasar.

"Ay, gaga nga. Paano naman ako magkakagusto sa isang baliw na tulad mo, tsaka, di tayo talo," sabi ni Xiaui with the badidang accent.

"E bakit ka nga nandito? At may palipad-lipad ka pang nalaman diyan. In fairness, ang ganda ng pakpak mo ha. kulay pink! S'an mo 'yan binili?"

"Ay talaga, nagagandahan ka sa pakpak ko? Libre lang 'to e. Nakuha ko lang sa pagtalon ko nung isang araw."

"Wow, tumalon ka rin? Saan?

"D'yan lang sa kabilang kanto. May lumang building doon, e sa katangahan, medyo nadulas. Ayun, napatalon ng wala sa oras."

"A... so katangahan lang pala 'yan. Kailangan bang tanga ka muna bago ka magkapakpak?"

"Actually, depende. May nakausap kasi akong tanga rin pero hindi siya nagkapakpak. Hindi kasi siya lumagapak e. Nasabit sa poste, ayun. Nasagip ng bumbero."

"Ay, ang corny naman nun."

"Gusto mo rin ba?"

"Ahmm.. hindi  ko alam e.  Ang tanging gusto ko lang ay tumalon. Ang tagal ko na kasing hindi tumatalon e."

"Ay, kamusta naman 'yun. Hindi pwedeng ganyan lang. Kasi kapag tumalon ka, lalagapak ka. UNLESS... magbounce ka sa sobrang katabaan mo. Hehehe... Masakit 'yan. Kaya mo na ba?"

"Ha? Gaano kasakit? Mapipilayan, sasabog ang utak, luluwa ang baga... ano?"

"Ahh... ganito... Kung ganito kataas, naku, hindi mo rin mararamdaman ang sakit kasi pagkalaglag mo, patay ka na. Matutuwa ka lang sa sobrang excitement ng proseso ng pagkalaglag. Pero kapag lumagapak ka na, as in super lagapak, wala ka nang mararamdaman kasi mamamatay ka na. Tapos after a few seconds, dyaraaaannnnn!!! May pakpak ka na. Marami kang colors na pagpipilian," wika ni Xiaui habag lumilipad-lipad at paikot-ikot kay Ligay, nagmamaganda sa kanyang pakpak na pink.

"Parang ang gusto ko lang 'yung malaglag. Wala na akong pakialam kung mamamatay ba ako o hindi. Pero parang masayang magkalasog-lasog muna 'yung katawan mo, o kaya sumabog ang utak mo habang nalalaglag ka, o kaya e binabaril ka habang nalalaglag tapos biglang uulan, malakas na malakas na ulan pero hindi babaha. At pagkalaglag mo, mangingisay ka muna tapos sasagasaan ka ng 10-wheeler truck tapos makikita mo ang crush mong may kayakap na iba. Tsaka ka pa lang mamamatay." ani Ligay sa pagkabilis-bilis na pananalita, umangat tuloy ang sarili niya sa lupa.

"Ay, baliw ka na nga. Ikaw ang bahala. Gusto mo ba talagang tumalon? Sigurado ka?"

"Hindi ko alam. Ayoko naman ng pink na pakpak. Gusto ko brown para ipis. Hahaha."

"Bahala ka. Sasabayan na lang kita kung sakaling tumalon ka na para hindi naman lonely ang iyong pagbagsak. Ang sweet ko 'no?

Nag-isip si Ligay. Mataimtim na pag-iisip. Sinubukan niyang iangat ang kaliwa niyang paa, nais pakawalan sa lupang naghihintay ng kanyang pagkabagsak. Natakot. Napaluha. Naalala ang huling beses na tinangka niyang tumalon.

"E hindi naman ako magkakapakpak pag tumalon ako e. Babalik lang din ako sa mental. Sasabihin nilang baliw ako, at pipiliting patinuin. Tingnan mo, inaabangan na nila ako sa baba. Ilipad mo na lang ako sa ibang mataas na gusali. Baka sakaling hindi na nila ako masundan."

"Sige, pero siguraduhin mong tatalon ka kasi baka ibagsak lang kita sa pagkainis ko sa'yo. Ayusin mo ang utak mo."

"Pano ko kaya aayusin e baliw nga ako diba?"

"Ewan ko sa'yo basta magdecide ka na. Ang labo mo kasi e."

At nagpatuloy ang kanilang pagtatalo habang lumilipad sila gamit ang pink na pakpak ni Xiaui. Tinahak nila ang papalubog na araw, naghahanap ng mataas na gusaling pwedeng talunin ng nababaliw na si Ligay.

4 comments: