"Behold what manner of love the Father has given unto us."
Malalim ang pinag-uugatan ng aking kalungkutan. Hindi lamang siya dahil wala akong karelasyon ngayon, hindi lamang dahil malayo ako sa pamilya ko, hindi lamang dahil walang kasiguraduhan ang buhay ko dito sa UPB, kundi dahil sa ang layo-layo ko na sa Bestfriend ko.
Hindi ko binalak kahit sa hinagap na dito ako sa Baguio mapapadpad. Bago ako mapunta dito, nasa bingit ako ng kamatayan at pagkabuhay. Madali lamang mamatay noon. Isang bitiw ko lang sa lubid na nagdudugtong sa akin at sa aking hininga ay kamatayan na ang kaabbagsakan ko. Pero may kumakapit sa akin, at kahit pakiramdam ko na bibitaw na ako ay Siya ang humahawak, para lang masiguradong hindi ako mahuhulog.
Then Baguio came. It was the opportunity I've been waiting. Sinagot niya ang problema ko sa career, sa lovelife at sa iba pang anik-anik ng buhay ko. Kelangan ko kasi ng time noon nang panibagong buhay.
Noong nandito na ako, akala ko matatagalan kong nasa tabi Niya ako at paglilingkuran Siya. Pero nagkamali ako. Ang hindi ko paglingon at pagiging busy ko ang unang naging dahilan ng aking paglayo. Nagsimula sa pag-attend ng class ng 530-7pm every friday hanggang sa isang buwan na akong hindi nakakasimba ngayon. When you do things on a constant basis, without even knowing it, it becomes a habit. At hindi ko na makontrol ang sarili ko ngayon.
Tapos nagsimula nang magpatong-patong ang lahat. Ang labo ng status ko sa UPB, nababato ako, wala akong magawang matino, nabibitin ang lahat ng trabaho, nagsusungit ako kahit wala naman sa lugar, at ang taas-taas ng self-pity ko ngayon. Parang pakiramdam ko, wala akong kuwentang tao, at dahil wala akong kwenta, wala rin akong pwedeng sandalan. Alam ko namang mali 'yun pero 'yun ang nararamdaman ko kaya ibinabaon ko ang sarili sa pagtulog, palakwatsa at pagkain, na akala ko maiibsan ang nararamdaman kong kalungkutan. Pero hindi naman.
Then, just today, nagkahuntahan kami ni Zadel sa YM. Sinabi niya sa akin na binasa niya ang tula kong "Anino" sa Sabbath School presentation sa Thailand. At nabless ang mga tao. Bigla akong naiyak kasi, may silbi rin naman pala ako, and probably this is my calling. Besides, God gave me this talent so that I can be of service to Him. Lagi ko kasing naiiisip na hindi ko naman naibabalik sa Kanya ang lahat ng binibigay Niyang blessings sa akin. Napaka-ingrata ko pa madalas kasi lagi akong humihingi at nagtatampo sa Kanya. Dahil sa ibinalita ni Zadel sa akin, parang kahit papaano ay nabubuhayan ako ng loob, at kahit sa pamamagitan ng tula ko ay nakakatulong ako sa Kanyang gawain. Shocks.
I should renew my relationship with Him. Baka nagpapakapasaway lang ako. Pero grateful ako kasi kahit ganito katigas ang ulo ko, hindi pa rin Siya nagsasawa sa akin.
Anino
ni Ligay
Nakita ko ang anino mo kagabi,
Naghihintay
Habang halukipkip ko sa aking dibdib
ang kalungkutan ng pag-iisa.
“Anong ginagawa mo,” pabulong kong tanong.
“Sasamahan kita,” ang wika mo,
Sabay upo malapit sa sulok na kinauupuan ko.
Hindi kita sinulyapan,
Ni hindi kita inimikan,
Subalit nakita ko ang anino mo buong gabi –
Sinamahan mo ako.
Nakita ko ang anino mo kagabi,
Nagmamasid
Habang naliligaw ang paa ko
sa hindi maapuhap na kasiguruhan.
“Anong ginagawa mo,” tanong ko sa iyo.
“Alam ko ang daan, hindi ka maliligaw,” sagot mo,
sabay turo sa daan na dapat kong lakaran.
Hindi kita tiningnan,
Ni hindi kita inimikan,
Subalit nakita ko ang anino mo buong gabi –
Sinabayan mo akong maglakbay.
Nakita ko ang anino mo kagabi,
Lumuluha
Habang pilit kong tinatahak
ang nakalululang bangin ng kapahamakan.
“Anong ginagawa mo,” singhal ko pa sa iyo.
“Ililigtas kita,” iyan ang sinambit mo,
Sabay yakap ng buong higpit sa nanginginig kong katawan.
Hindi kita nilingon,
Ni hindi kita inimikan,
Subalit nakita ko ang anino mo buong gabi –
Sinagip mo ako sa pagkakamali.
Nakita ko ang anino mo kagabi,
Umaasa
Habang patuloy ang pagpupumiglas ko
na makawala sa iyong hawak.
“Anong ginagawa mo,” sumbat ko
Sabay tambad sa mata ko ng liwanag,
tumatagos sa butas ng palad mo.
Nilingon kita,
Nahiya akong magsalita.
Ngumiti ka
At ang sabi mo'y
“Anak, mahal kasi kita.”
Pebrero 7, 2007
Baguio City
kakaiyak naman...
ReplyDelete