Thursday, March 27, 2008

Itakas Mo Ako

Itakas mo ako
doon sa hindi kailangan
ng pakiramdam,
kung saan kaya kong
iwanan ang puso ko
na nakabilad sa araw
hanggang tuluyang manuyo't
mawalan ng saysay.

Ilayo mo ako
doon sa hindi tanaw
ng paningin ng tao,
kung saan kaya kong
maghubad at maglantad
ng katauhang naghihintay
ng pagkaagnas.

At iyong gamutin
ang namamalirong kong isip
mula sa latigo ng panahon,
hanggang ito'y maghilom
at muli akong makapagtanim
ng binhi ng katapangan.

Alisin mo ang langib
na dulot ng kapighatian,
dahil hanggang taglay ko
ang bahid ng lagim,
hinding-hindi sisibol
ang inaasahan kong kasagutan.


Sharon Feliza Ann P. Macagba
Abril 17, 2007
Baguio City

No comments:

Post a Comment