Tuesday, March 18, 2008

LUMIPAS

Kailangang iwaksi natin ang lumipas
at, tulad ng pagtatayo
nang pala-palapag, binta-bintana
sa isang gusali,
kailangan nating ibagsak
una ang mga basag na tisa,
saka ang mga magarbong pinto,
hanggang mula sa lumipas
ay umalsa ang alikabok
na mistulang kakabog
laban sa sahig,
umalsa ang usok
na mistulang nasusunog,
at bawat bagong umaga
ay kumikinang itong
mistulang isang platong
walang-laman.
Wala, lagi namang wala.
Kailangan itong matigib
sa mga bago't masustansiyang
espasyo,
pagkatapos gumulong
ang araw kahapon
pabagsak --
tulad ng tubig kahapon --
sa isang balon,
sa isang lagakan
ng lahat ng wala nang tinig o ningas.
Hindi madaling
sanayin ang mga kalansay
na maglaho,
ang mga mata
na pumikit
ngunit
ginagawa natin ito
nang hindi iniisip
na lahat ay buhay,
buhay, buhay, buhay
tulad ng isang mapulang isda
ngunit nagdaraan ang panahong
may trapo at gabi
at napapawi
ang isda at ang pusag nito.
Sa tubig, sa tubig, sa tubig
bumabagsak ang lumipas,
kahit ang magusot pang
mga kalansay
at mga ugat.
Wala na, wala na at walang halaga
ngayon ang mga alaala.
Tinatakpan ng antuking pilik
ang liwanag ng mata
at ang nabubuhay noon
ay hindi na buhay.
Tayo noon ay di tayo ngayon.
At ang mga salita, bagaman may kapantay
na linaw at tunog ang mga titik,
ay nag-iiba at nag-iiba ang bibig.
Ang bibig mismo ay ibang bibig na.
Nagpapalit sila ng labi, balat, sirkulasyon.
Iba na ang nagsusuot ng ating kalansay:
ang nasa atin noon ay wala na.
Wala na ang noon, ngunit pagtawag nila, tutugon tayo:
"Narito ako," kahit alam nating iba na tayo.
Ang noon ay noon at nawala na,
nawala na sa lumipas, at hindi na babalik.

Pablo Neruda
(salin ni Virgilio Almario)

No comments:

Post a Comment