Tama naman ang kaibigan kong si Deo e. Isa akong malaking duwag. Magaling lang akong magsalita pero wala, kapag nandiyan na mas pinipili ko pa ring magtago o tumakas.
Hayyy...
Pinag-uusapan kasi namin kanina ang tungkol sa pag-ibig, bilang pareho kaming nababato sa aming mga ginagawa sa trabaho. Nasa Thailand pala siya at ako ay, well, basta nasa Pilipinas. Hehe. Hindi ko alam kung paano napunta ang usapan namin sa pag-ibig. Kasi ang alam ko, trabaho ang pinag-uusapan namin e. Pero 'yun, napunta na lang bigla ang usapan sa masalimuot na mundo ng pag-ibig. Madalas naman naming pag-usapan ang mga ganitong bagay pero kanina lang niya natumbok ang totoong estado ng aking pagkatao.
Ang sabi ko sa kanya, kanya-kanya namang kaduwagan 'yan. Sumang-ayon naman siya. Kung siya ang kinatatakutan ay ang pagkabaliw, ako ang kinatatakutan ko ay pag-ibig. Takot daw akong umibig. Takot daw akong tumalon. Nilalabanan ko daw sa tuwing dumarating ako sa puntong ganito.
Hindi ko rin alam bakit hindi na ako makasalita o makabawi sa kanyang sinabi dahil sa mga nakaraan naman naming usapan, lagi lang akong bumabalikwas kapag nako-corner na. Wala, kanina hindi na ako nakapanlaban pa at inamin ko na lang na duwag ako. Plus tawa, siyempre.
E ano naman ba naman pang gagawin kong pagtanggi e nakita na niya ang tunay kong kulay. Sabi ko na lang na huwag niyang ipagsasabi.
E bakit nga ba ako natatakot?
...
Hindi ko rin alam.
Siguro, tulad ng sabi ko sa kanya kanina, kakaunti na lang kasi ang natitirang tapang sa akin at kung lagi't lagi kong gagamitin at isusugal ang tapang na yun sa pagtalon, baka wala nang matira kung kailan kailangang-kailangan ko ng tapang na yun. Hindi rin naman dapat basta-bastang tumalon.
At totoo rin naman na hindi pa ulit ako bumabagsak sa napakatagal na pagkahulog na ito. Parang habang-buhay na lang yata akong mahuhulog, habang-buhay na lang akong matutuwa sa konsepto ng pag-ibig pero wala naman talagang totoong kinababagsakan, wala namang totoong minamahal.
O baka naman kasi ayaw ko naman talagang bumagsak. Dahil masakit yun. Pero nakakabato at nakakapikon na ang walang-katapusang pagkahulog na ito. Nagiging manhid na ako at baka sa oras na mahulog na ako ay hindi ko na mapansin dahil nasanay na lang ako sa pakiramdam nang laging nahuhulog na walang kinababagsakan.
Hindi ko alam.
Pero kung sakaling iibig akong muli, pwede naman kasing hindi ako mahulog diba? Pwede namang may magpapatigil lang sa walang-katapusang pagkahulog na ito.
Knight in Shining Armor?
So ang peg ko ay isang Damsel-in-Distress. Yuck, ayoko pa naman nun. Pero anong magagawa natin, minsan naghahanap lang tayo ng mala-Robin Padilla na sasagip sa atin mula sa saksakan nang tarik na bangin. Oh well...
Kung pang-leading lady lang siguro ang karakter ko, pwede. Pero hindi bagay sa akin yun e. Pang-extra o kontrabida lang ang karakter ko. At karaniwan sa mga istorya, dedma ang buong mundo kung anong mangyari sa mga extra at kontrabida.
Ako lang naman lagi ang nagkakagusto sa mga kontrabida at extra.
:(
No comments:
Post a Comment