"Can't take my mind off you..." --Damien Rice, A Blower's Daughter
Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko, kung matutuwa dahil tinawagan mo ako ulit o malulungkot dahil alam ko na kahit anong mangyari hindi-hindi magiging tayo dahil sobra tayong magkaiba. At maaaring iba rin ang gusto mo, 'yung binanggit mo kanina na nagkataong malapit kong kaibigan.
Gusto ko sanang tumalon, at hayaang mahulog ang sarili ko sa'yo, bahala na kung sasaluhin mo o hindi, pero, tulad ng sabi mo noon, hindi na rin ako bata -- para isugal ang puso ko na masaktan sa taong alam kong hinding-hindi ako maaaring mahalin.
Kaya, iniiwasan kita, hangga't kaya ko, at hangga't ipinagkakaloob ng pagkakataon. Pero sa tuwing makikita kita iniisip ko na sana kahit konting pagkakataon ay ibigay mo sa akin, na sana pwedeng makalimutan mo muna na iba ako sa'yo at hayaan lang na mahalin kita. Pero, hindi naman ganun kasimple ang mga bagay-bagay.
Sa tuwing tatawag ka, tulad ng ginawa mo kanina, lagi't lagi akong nagugulat. Ginugulat mo ang mundo ko na parang ginusgusto pa lalong tumalon, pero mas lalo lamang ding isinasampal sa akin na HINDI talaga pwede.
Gusto kitang mahawakan, gusto kitang makitang nakangiti, gusto kita makausap, gusto kong marinig kang tumawa.
Pero... ayokong lumagapak.
No comments:
Post a Comment