Tulad ng araw-araw na kaganapan tuwing umaga, magbibiyahe ako galing bahay. Maghihintay ng jeep papuntang MRT. Aakyat ng hagdanan dahil hinaharangan nila ang escalator para daw sa "crowd control". Anong crowd control? Tsk. Pagdating sa may guard, inspeksyon, inspeksyon! Malas na lang kung ang nasa harapan ay sandamukal ang dala o kaya e nakalimutang hindi pala pwedeng magdala ng softdrinks ng Mcdo sa loob ng tren. Kung susuwertehin, madali lang ang inspeksyon. Sisilip lang ang mga guards sa bag ko, so kahit may dala akong matulis na bagay ay hindi nila mapapansin dahil sa dami ng tao, kailangan nilang magmadali sa pag-iinspeksyon.
Buti na lang may tiket na ako. Kahit nasanay ako sa UP bilang Unibersidad ng Pila, hindi ko pa rin nagugustuhang pumila lalo na MRT na grabe ang ugali ng mga tao. At least sa UP, may decency ang mga tao sa pagpila. May hiya, at kahit kaya nilang i-argue ang maaari nilang gawing kabulastugan, mas pinipili pa rin ng mga taga-UP na sumunod sa pila dahil walang ibang paraan kundi yun! Haha! Sa MRT, wala rin namang ibang paraan pero bukod sa lahat na ng amoy ay maaamoy mo, sisiksikin ka pa rin kahit sa pila. Para namang may mababago kung maniniksik sila.
Hindi pa natatapos ang kalbaryo dun. Kahit makasakay ka na sa tren pagkaraan ng mahabang panahon, hindi ka pa rin makakahanda sa kung anong maaaring mangyari sa loob ng tren. Swerte mo na kung hindi masiraan ang tren. Kung may bait lang ang mga tren ng MRT, suki na sila ng Mental Hospital dahil lagi silang nasisiraan!
Sa Php15 binabayaran mo sa pagsakay sa MRT, ang katumbas lang nito ay ang kung anong tinatapakan ng paa mo. Hndi kasali ang espayong inuukopa ng iyong katawan, regardless of your size. Ang payat at ang mataba ay pareho lang. Dahil pagpasok ng tren, nawawala na ang konsepto ng espasyo. Sasabihin pa ng driver, "Maluwag pa po." Maluwag ka diyan!!! Kayo kaya ang maging pasahero!
Kung video game lang ang pagsakay sa MRT, dapat marami kang Lives, Energy at Weapons dahil hindi ka makaka-survive kung wala ka na nun! Survival of the fittest, survival of the makakapal, survival of the walang pakialam. At pagdating sa destinasyon, kailangan mo talagang magpasalamat na buhay ka pa.
Sa araw na ito, mukhang naubusan yata ako ng Energy at Weapon. Iisa na lang din yata ang Buhay ko. Delikado na. Tapos pagsakay ko ng jeep, may dalawang babaeng nagtsi-tsismisan tungkol sa kanilang lab(o)life. Haha. Tsismis. Pampadami ng Energy.
Ayon sa kuwento ng isa, may lebel daw ang kapangitan. May medyo pangit, bearable ang kapangitan, pangit, pangit na pangit, at nuknukan ng pangit. Ang lalaki na object ng kanilang pangungutya ay isa yatang manliligaw. At dahil nanliligaw, may date na naganap. Sa sobrang pangit daw ng lalaki, yung babaeng nagkukuwento ay lumayo nang makakita siya ng kakilala. Gusto ko pa sanang makinig sa kanilang kuwento kaya lang nung makita ko yung babaeng nagkukuwento, naubos lahat ng Energy ko sa sobrang hindi ko matanggap na pangitain. (Alam na!)
Kailangan kong mag-replenish ng Energy. Kasi bukas, Biyernes, uulit lang din ang ganitong pangyayari sa MRT. E ano naman kayang sidedish na kuwento ang mauulinigan ko? Hmmm...