Showing posts with label manilachronicles. Show all posts
Showing posts with label manilachronicles. Show all posts

Tuesday, January 24, 2012

Manila Chronicles: Ang Maging Babae

Dahil may event ang opisina at kailangang dumamit ng maayos, dalawang araw akong naghahagilap ng masusuot bilang wala akong makitang damit na magkakasya sa akin. Alam mo yung pakiramdam na masikip sayo ang medium pero maluwag sayo ang large? Yung hindi mo mawari kung magmumukha kang suman o parachute? Nakakababa ng self-esteem yun, hindi maganda. Tapos tatambad sayo sa salamin sa fitting room ng hindi pamilyar na lugar ang hindi mo maunawaang hugis ng iyong katawan. Parang kahit mag-isa ka doon ay nililibak ka ng mga anino ng imaheng dati nang humarap sa salamin na iyon. Kung nakakapayat lang ang inis, baka namayat na ako ng bigla.

Hinuhugis daw ng lipunan ang mga preference ng tao --ang konspeto ng maganda, ng maayos; ng pangit, ng nakakaasiwa. At ang maging babae sa lipunang punong-puno ng ganitong panlalason ay parang pagsasaksak sa sarili nang hindi mo nalalaman, ng walang kalaban-laban. Unti-unti mong kinaiinisan ang sarili dahil hindi ka magkasya sa inilatag na kaayusan ng lipunan.

Hindi ako magkasya sa sizes ng damit na meron.

Tapos maririnig mo ang boss mo sa kanyang walang kakupas-kupas na panlilibak, sa mismong gabi ng event, "Bakit ang taba-taba mo?" Ayun na. Para na akong pinagsakluban ng langit at lupa. Pero tuloy pa rin sa pagngiti hanggang sa matapos ang gabi.

Sa MRT, may nakahiwalay na sakayan ng lalaki at babae. Minsan, mas nakakamatay sumakay sa bahagi ng mga babae. Hindi nila pagbibigyan ang kapwa nila babae. Ang fierce!

At sa gitna ng delikadong sitwasyon na ito, doon pa talaga ako mahihilo bilang nagsisimula na pala ang buwanang sumpa sa pagiging isang babae ko. Wala na akong pakialam. Nagsabi ako sa katapat kong babae kung pwedeng makiupo dahil nahihilo na ako. Pinagbigyan rin naman niya ako.

Minsan, nadadaan lang din naman sa pakiusapan.

Thursday, January 5, 2012

Manila Chronicles: It's More Fun in the Philippines

Nagbabalik ang Manila Chronicles!!! *clap clap clap until you drop* At para sa unang entry sa bagong taon, ito ang isang kalokang eksena sa LRT kaninang umaga!!! Ansayasaya! It's more fun in the Philippines!!! GO GO GO SAGO! :P

---

Eksena sa LRT. Nagkapikunan ang dalawang babae dahil masikip at hindi na makagalaw ang mga tao.

Babae 1: Ang tanda mo na ganyan pa ang asal mo!
Babae 2: HOY!!! Sino bang mukhang mas matanda sa atin!
Babae 1: Siyempre ikaw!
Babae 2: Ay maganda ka?
Babae 1: Oo naman! Hindi katulad mo!
Babae 2: Ikaw? Maganda? Tingnan mo nga 'yang itsura mo!
Babae 1: Talaga, maganda ako!

Nang bumaba na sila sa Carriedo:

Lolo 1: Bumaba na rin sa wakas ang mga jologs!


Wednesday, May 25, 2011

Manila Chronicles: Huwebes, MRT, at ang litanya tungkol sa pangit ng isang pasaherong nagmamaganda

Naririnig ko si Rebecca Black na kumakanta ng kanyang makabagbag-damdaming "Friday" kahit Huwebes pa lang ngayon. At hindi yan dahil natutuwa ako sa kanta. Nababadtrip ako kaya gusto kong gawing katatawanan ang kabadtripan ko. Ewan lang kung matawa ako.

Tulad ng araw-araw na kaganapan tuwing umaga, magbibiyahe ako galing bahay. Maghihintay ng jeep papuntang MRT. Aakyat ng hagdanan dahil hinaharangan nila ang escalator para daw sa "crowd control". Anong crowd control? Tsk. Pagdating sa may guard, inspeksyon, inspeksyon!  Malas na lang kung ang nasa harapan ay sandamukal ang dala o kaya e nakalimutang hindi pala pwedeng magdala ng softdrinks ng Mcdo sa loob ng tren. Kung susuwertehin, madali lang ang inspeksyon. Sisilip lang ang mga guards sa bag ko, so kahit may dala akong matulis na bagay ay hindi nila mapapansin dahil sa dami ng tao, kailangan nilang magmadali sa pag-iinspeksyon.

Buti na lang may tiket na ako. Kahit nasanay ako sa UP bilang Unibersidad ng Pila, hindi ko pa rin nagugustuhang pumila lalo na MRT na grabe ang ugali ng mga tao. At least sa UP, may decency ang mga tao sa pagpila. May hiya, at kahit kaya nilang i-argue ang maaari nilang gawing kabulastugan, mas pinipili pa rin ng mga taga-UP na sumunod sa pila dahil walang ibang paraan kundi yun! Haha! Sa MRT, wala rin namang ibang paraan pero bukod sa lahat na ng amoy ay maaamoy mo, sisiksikin ka pa rin kahit sa pila. Para namang may mababago kung maniniksik sila.

Hindi pa natatapos ang kalbaryo dun. Kahit makasakay ka na sa tren pagkaraan ng mahabang panahon, hindi ka pa rin makakahanda sa kung anong maaaring mangyari sa loob ng tren. Swerte mo na kung hindi masiraan ang tren. Kung may bait lang ang mga tren ng MRT, suki na sila ng Mental Hospital dahil lagi silang nasisiraan!

Sa Php15 binabayaran mo sa pagsakay sa MRT, ang katumbas lang nito ay ang kung anong tinatapakan ng paa mo. Hndi kasali ang espayong inuukopa ng iyong katawan, regardless of your size. Ang payat at ang mataba ay pareho lang. Dahil pagpasok ng tren, nawawala na ang konsepto ng espasyo. Sasabihin pa ng driver, "Maluwag pa po." Maluwag ka diyan!!! Kayo kaya ang maging pasahero!

Kung video game lang ang pagsakay sa MRT, dapat marami kang Lives, Energy at Weapons dahil hindi ka makaka-survive kung wala ka na nun! Survival of the fittest, survival of the makakapal, survival of the walang pakialam. At pagdating sa destinasyon, kailangan mo talagang magpasalamat na buhay ka pa.

Sa araw na ito, mukhang naubusan yata ako ng Energy at Weapon. Iisa na lang din yata ang Buhay ko. Delikado na. Tapos pagsakay ko ng jeep, may dalawang babaeng nagtsi-tsismisan tungkol sa kanilang lab(o)life. Haha. Tsismis. Pampadami ng Energy.

Ayon sa kuwento ng isa, may lebel daw ang kapangitan. May medyo pangit, bearable ang kapangitan, pangit, pangit na pangit, at nuknukan ng pangit. Ang lalaki na object ng kanilang pangungutya ay isa yatang manliligaw. At dahil nanliligaw, may date na naganap. Sa sobrang pangit daw ng lalaki, yung babaeng nagkukuwento ay lumayo nang makakita siya ng kakilala. Gusto ko pa sanang makinig sa kanilang kuwento kaya lang nung makita ko yung babaeng nagkukuwento, naubos lahat ng Energy ko sa sobrang hindi ko matanggap na pangitain. (Alam na!)

Kailangan kong mag-replenish ng Energy. Kasi bukas, Biyernes, uulit lang din ang ganitong pangyayari sa MRT. E ano naman kayang sidedish na kuwento ang mauulinigan ko? Hmmm...

Monday, February 14, 2011

Manila Chronicles: 14

Wala namang bago sa EDSA, traffic pa rin. Wala ring bago sa MRT, siksikan pa rin. May mala-"parade of colors" nga lang --sa kalye, sa mall, sa opisina, sa kung saan-saan. Bida ngayon ang kulay pula, mala-pula, itim, mala-itim, puti, nagkukunwaring puti at ibang kulay na minamaskarahan ang tunay nilang kulay. Yung tipong ayaw magpula kasi nagsusumigaw pero ayaw ring mag-itim kasi bitter naman. Ayaw ring magputi kasi... magmumukhang mataba!

Nakaputi ako ngayon.

Nagkalat sa bangketa ang sangkaterbang rakista: yung mga nagbebenta ng rosas sa kalye. Dinadaan-daanan lang naman sila ng mga tao. Titingin sabay irap. Pero yung iba, may second look. Ramdam mo ang hesitation, tipong gustong tanungin ang presyo pero nahihiyang hindi makabili o kaya gustong bumili pero nahihiyang makita na sa kalye lang niya binili. Napakadami naman kasi kaechusan!

Sa MRT, naka-muk-up ang mga babae. Nakaporma. Namamango. Busy mag-text habang ngumingiti-ngiti. Sa Mall, nagkukumahog ang mga lalaki. Nakaporma. Namamango. Busy mag-text habang parang hindi na makaugaga, hindi na mapakali, na parang "today is the day... or not!"

Nakikipaghabulan ako ngayon sa aking pangarap.

Busing-busy ang mundo. Busing-busy ako.

Ang selepono kong kanina pa natutulog, nabuhay. Nagtext ang nanay ko ng "Hapi Balentayms".

:)

Wednesday, February 9, 2011

Manila Chronicles: LOL

Morning madness sa LRT.

Sabi ng VO girl sa LRT, speaking in a maarte way:

"Bilang respeto sa kapwa pasahero... bawal pong mag-ingay o tumawa ng malakas sa loob ng tren."

Say what?

LOL! 


Manila Chronicles: Tales of Two Lates

Chance

"It's too late baby now, it's too late..."

Hapon na. Pagod na ang katawan. Nagliliwaliw na ang utak sa mga kung anu-anong bagay na karaniwang hindi naiisip sa normal na oras. Sa gitna ng nagsisigawang mga sasakyan at sa lumilipad kong utak, may isang pupukaw sa aking maselang atensyon.

Naka-khaki pants, black polo shirt. Di maporma pero mukhang mabango. Makinis ang mukha, nakasalamin. Geek, malamang, with a perfectly managed haircut. Kamukha niya 'yung crush ko nung highschool, nung highschool pa kami. Hmmm, tipo!!!

Napaisip ako ng mga what ifs, yung tipong sabi ni Sir Ricky Lee na nagsu-sustain sa lahat ng kwentong pampelikula sa mundo. Mga what if ngumiti siya sa akin, what if kilala ko pala siya, what if siya pala! Minsan may ganyang topak ako, pampasaya ng mundo!

Tingin-tingin lang ulit, nagpapakasasa sa isang magandang tanawin sa gitna ng usok at baho ng Maynila.

Maya-maya pa'y napatingin ako sa kanyang kamay na may hawak na backpack.

Oooopppssss...

Singsing.

Palasingsingan.

Kaliwang kamay.

Sablay.



***

Missed

"It's too late to apologize..."

Dalawang magkaibigan, nakaupo sa tapat ko sa MRT. Usap-usap sila sa mga bagay na wala akong kinalaman. Naghihintay kami na umandar ang MRT papuntang QAve. Hindi pa masyadong puno, kaya nag-aabang pa ng maisasakay. Medyo mainit, hindi pa binubuksan ang aircon.

Biglang dumating ang kasunod na tren. Napaisip ang magkaibigan na lumipat sa kabilang tren, para siguro mas maluwag o kung ano man. Paidi-idi silang tumayo, hindi mapakali kung tatayo ba o uupo na lang, kung lalakad o hindi, lilipat o hindi.

Sa may pinto, nagdesisyon silang lilipat ng tren. Paghakbang ng isa palabas ng tren, sumara ang pinto. Nagkahiwalay sila. May isa sa loob, tumuloy sa biyahe dahil wala naman siyang magagawa. May isa na nasa labas, tutuloy rin sa biyahe, ibang biyahe nga lang dahil tulad ng nasa loob, wala rin naman siyang magagawa.

Hindi ko lang alam kung sinong iniwan at naiwan.


Wednesday, January 26, 2011

Manila Chronicles: Kape

"Would someone care to classify
Of broken hearts and twisted minds
So I can find someone to rely on..."


Gusto ko lang maglakad. Gusto ko lang magkape (hindi kasi pwede ang alak.) Gusto ko lang palipasin ang gabi.

Tambay sa kapihan. Usap-usap tungkol sa mga bagay na karaniwan namang hindi napag-uusapan. Nais sanang simulan ang isang makabagbag-damdaming pagninilay-nilay subalit nauwi na lang sa mga adik na bagay. Tumawa. Natuwa. Nakalimot kahit papaano. Uuwi pa ring mabigat ang kalooban pero ayos na lang kesa mag-emo mag-isa sa bahay.

Sa kabilang kapihan, may lalaki at babae na nag-uusap. Nakaupo si lalaki. Malungkot. Nanlulumo. Walang pagkikibit-balikat na umalis ang babae. Naiwan si lalaking nakaupo, ang mga kamay ay sinasalo ang ulo. Pinapahid ang walang prenong paglabas ng kanyang emosyon. Lumuluha. Hindi yata sapat ang kape.

Tuesday, January 25, 2011

Manila Chronicles: WTF!

What the hell is happening to the world? Seriously. Mas maiintindihan ko pa yung mga nanghoholdap kasi walang pangkain, kaysa sa nambobomba dahil lang trip nila. ANO BANG PROBLEMA N'YO? Injustice? Inequality? Discrimination? Walang magawa? Hindi ba lahat naman tayo apektado niyan? Kung yan problema n'yo, mag-emo na lang kayo! Oo nga. Lahat tayo gusto ng mas maayos na buhay, maayos na sistema ng pamumuhay, mas may silbi... pero naman!!! Alam nyo ba kung anong problemang kinakaharap ng mga tao na yan pero nananatili pa rin silang lumalaban kahit mahirap, kahit pa sabihin mong walang kakwenta-kwenta ang existence nila dahil napapaloob sila sa isang sistemang mapanupil. At least sila, pinipilit mabuhay dahil umaasa na sa darating na panahon, masosolusyunan ang mga bagay na tila walang solusyon. And besides, wala naman kayong karapatang kunin ang buhay nila. Kung magpapakamatay sila, say, tatalon sa building, iinom ng lason, maglalaslas ng pulso at kung anu-ano pang kaemuhan e choice nila yun. At least pinili nila yun. Hindi yung ganyan na sa isang iglap, wala na! Deds na! Pati pangarap ng ibang tao sa kanila, maaaring pati pangarap ng bayan para sa kanila.

Hay naku, badtrip kayo.

Traffic tuloy.


*Disclaimer: My deepest sympathies to the victims of the bombing incident at EDSA yesterday and to their families. My thoughts may not have been pure, but my sympathies are.

Thursday, January 20, 2011

Manila Chronicles: Faint

Last Friday, one of those typical Fridays. Bangag mga tao, mukhang zombie, agit na sumasakay ng jeep, bus, mrt.

Isa lang din naman ako sa mga bangag na mga tao kasi morning person ako, morning natutulog! :P So sa kabangagan, dun na ako napasakay sa pinakahuling bahagi ng tren, sa mga guys habang nagwowonder kung mag-i-intervene si kupido at dito niya isusulat ang aking kuwentong pag-ibig na alam nating lahat na sa pelikula lang naman nangyayari (Sabi nga ni KC, "it's not like the movies at all." hehe)

At syempre, hindi na uso ang gentleman ngayon. So tatayo ka lang din sa mrt habang nakikipagsiksikan. Pero in fairness, hindi ka naman susuntukin nung mga yun kung medyo nagpapasaway ka. Hindi katulad dun sa girls' section na parang mga amazonang susugod sa gera yung mga girls with all the matching stilettos and hand bags to go with the amazona look. Terrifying!!! Hahaha.

So yun na nga. Parang good mood yung mga guys, walang commotion na nagbabadya. May kumakanta pa nga e, at medyo feel na feel niya! Gusto ko siyang lingunin kung cute siya, kaya lang baka maamoy ko kilikili niya kaya wag na lang! Haha. Yuck!

At habang may mga ganyang tumatakbo sa utak ko, biglang may kakaibang nangyayari. May lalaking umupo na lang bigla sa sahig, malapit pa naman siya sa pinto. Una kong naisip, "Ah baka napagod lang siya kakatayo." Pero naisip ko rin, logical ba yun? Parang weird. Oo, napapagod din naman ang mga guys pero hindi naman sila mabilis mapagod. Naisip ko rin na baka may dumating sa kanyang masamang balita at hindi niya nakayanan. Yung tipong nakipagbreak sa kanya ang gurlfrend niya, sa text hindi man lang tumawag, tapos bukas na kasal nila, ganyan! Haha. So devastated siya. Feel ko naman yun talaga ang dahilan.

Maya-maya, sinandal na siya nung mga kalapit niya. Pinagpapawisan ng bongga si Kuya (actually mukhang bata siya sa akin, hehehe.) at namumutla. Maya-maya pa, ayun na! Nag-collapse na siya. Kamusta naman. Sabi namin, magsignal na sa driver para maitigil yung tren. E biglang nagkamalay na siya, at parang bumubulong dun sa tumutulong sa kanya na wag na at okey lang siya. Pinaupo na lang siya para hindi na siya mas mahilo pa.

Hindi namin tuloy alam gagawin. Naisip ko baka nagugutom lang si Kuya. Mukhang mag-aaplay kasi siya ng trabaho (all black ang outfit, may dalang folders, cute... :D) tapos dahil kakamadali nakalimutan na niyang kumain. O baka kaya siya naghahanap ng trabaho kasi malapit nang manganak yung misis niya (may nakita kasi akong ring pero nasa kanang ringfinger e, hindi ko alam, san ba dapat nakalagay yun sa left o sa right?), problemado, nakalimutan nang kumain. O baka napuyat...

Gusto ko sana siyang tanungin kung okey lang siya (obviously hindi siya okey) at i-offer yung oatmeal cookie na dala ko (ako na ang may baon sa laki kong 'to! Hehe :P) pero before pa lumabas ang mga salitang dapat itatanong ko to show my concern, biglang nag-auto-editing ako. Yung sasabihin ko sanang "Okey ka lang?" ay muntik ko nang maibulalas in KOREAN. Kamusta naman yun. Baka mas lalo siyang mahilo kaka-figure out ano yung sinasabi ko! Haha. Buti na lang may nagbigay sa kanya ng mentos, medyo nahimasmasan siya.

Eventually, bumalik na sa kanya-kanyang buhay yung mga tao. Kanya-kanyang baba sa mga destinasyon. At sa tuwing may bumababa, lagi siyang nagpapasalamat. Parehong Taft kami bumaba, pero feeling ko hindi talaga siya dun bababa. Paglabas namin ng tren, nag-thank you siya sa akin. 

Saka ko na lang siya natanong kung okey na siya. Okey naman daw siya.

Pero di ko nabigay yung oatmeal cookie. Buong maghapon ko tuloy iniisip pano kung mahilo na naman siya, kasalanan ko ba yun kasi hindi ko binigay yung oatmeal cookie ko. :(

Friday, January 14, 2011

Manila Chronicles: Broken

Nung sa Anik-anik, Atbp ako nagsusulat ng mga angas ko sa buhay (blog), meron ako dun na portion about my Baguio escapades, yung BAGUIO BLUES. When I went back to the lowlands, I abandoned the blog and thus the end of Baguio Blues. Fastforward mga ilang years, plus Zuckerberg's insane idea, I forgot all about Anik-anik kung saan nag-uumapaw ang kadaldalan ko sa mundo. 'Yung tipong bawat mangyari sa akin sa Baguio ay documented dun. Actually, pati nga yung sighting ko kay Grimace (haha, first time ko siya makita bilang mascot! Hehehe) nakalagay pa dun. :)

Ngayong ginagalugad ko ang Maynila sa halos araw-araw, at sa mga nakakatawa, nakakamangha, nakakalurking nasasaksihan ko, mukhang may bagong "segment" akong masusulat! Pasensya na kung sa pagbasa nyo e makita nyo ang sarili nyo dahil minsan, tsismosa lang din talaga ako!

:)


THE MORNING AND THE BROKEN


630 ng umaga ang alis ko sa bahay. Dito magsisimula ang pakikipagsapalaran ko sa Concrete Jungle where 'local' dreams are made of, hehe Maynila lang kasi hindi New York! :) Bagong gising ang mga tao, bagong ligo. Fresh na fresh, handang-handang makipagsapalaran sa masalimuot na syudad ng Maynila.

Hindi pa masyadong nagsusumigaw ang araw, hindi pa gaanong mainit. Wala pang bahid ng hirap at sakit. Dapat.

Pagsakay ko ng jeep sa Philcoa papuntang MRT, dun ako napaupo sa may likod ng katabi ng driver. Punuan na kasi, at alam mo naman ang mga Pinoy. Ayaw na ayaw nila ng hassle. Ayaw nila ma-hassle mag-abot ng bayad. Ayaw nila ma-hassle tumuwad pagbaba ng jeep. hihi. So yun na nga. Paglingon ko sa tinatahak na daan ng jeep, biglang napatitig ang mata ko sa ibang bagay - celphone. Actually, hindi sa brand ng celphone kundi sa tinetext sa celphone na yun. Eto ang nabasa ko:

"Joseph, so hindi mo talaga ako papansinin? Sige, bahala ka. Basta magkita tayo sa Makati mamaya. Mamamatay na ako!!!"

Naloka naman ako sa nabasa ko. Initial reaction ko, "Naku, broken hearted si 'Day." Tapos bigla kong tiningnan yung itsura nung nagtetext, alam mo na para maintindihan mo ang mga bagay-bagay (anu daw?) tsaka para makisimpatya na rin, just in case magkasalubong kami sa daan. haha. So ang ineexpect ko e babae, ganyan, kasi si Joseph ang katext niya diba? But no! Sinipat-sipat ko pa sa salamin, baka naman kasi mali lang ang interpretasyon ko sa mga bagay-bagay. E pagtingala niya, ayyyy, si 'Day!!!

Ayun. In fairness, nafeel ko naman ang kanyang pain. Inaabangan niya talaga ang reply ni Joseph sa kanya. Pero hindi siya nireplayan ni Joseph, sa span ng ilang minutes. Ayun, nagtext na lang siya ulit:

"Seph, ano ba! Magreply ka naman. Hindi na ako makatulog sa nangyayaring ito!"

Hahaha. Tawang-tawa ako, hindi dahil sa nangyayari sa kanya kundi sa pinaggagagawa kong pangingialam sa buhay ng may buhay! Kaloka!

Ayun. Pareho kaming bumaba sa MRT-QAve. Ako, papuntang Taft. I bet siya, papuntang Makati. Kasi nga imi-meet niya si Seph!

Sana lang e nag-reply na nga si Seph sa kanya. :P