Hinuhugis daw ng lipunan ang mga preference ng tao --ang konspeto ng maganda, ng maayos; ng pangit, ng nakakaasiwa. At ang maging babae sa lipunang punong-puno ng ganitong panlalason ay parang pagsasaksak sa sarili nang hindi mo nalalaman, ng walang kalaban-laban. Unti-unti mong kinaiinisan ang sarili dahil hindi ka magkasya sa inilatag na kaayusan ng lipunan.
Hindi ako magkasya sa sizes ng damit na meron.
Tapos maririnig mo ang boss mo sa kanyang walang kakupas-kupas na panlilibak, sa mismong gabi ng event, "Bakit ang taba-taba mo?" Ayun na. Para na akong pinagsakluban ng langit at lupa. Pero tuloy pa rin sa pagngiti hanggang sa matapos ang gabi.
Sa MRT, may nakahiwalay na sakayan ng lalaki at babae. Minsan, mas nakakamatay sumakay sa bahagi ng mga babae. Hindi nila pagbibigyan ang kapwa nila babae. Ang fierce!
At sa gitna ng delikadong sitwasyon na ito, doon pa talaga ako mahihilo bilang nagsisimula na pala ang buwanang sumpa sa pagiging isang babae ko. Wala na akong pakialam. Nagsabi ako sa katapat kong babae kung pwedeng makiupo dahil nahihilo na ako. Pinagbigyan rin naman niya ako.
Minsan, nadadaan lang din naman sa pakiusapan.