Tuesday, January 24, 2012

Manila Chronicles: Ang Maging Babae

Dahil may event ang opisina at kailangang dumamit ng maayos, dalawang araw akong naghahagilap ng masusuot bilang wala akong makitang damit na magkakasya sa akin. Alam mo yung pakiramdam na masikip sayo ang medium pero maluwag sayo ang large? Yung hindi mo mawari kung magmumukha kang suman o parachute? Nakakababa ng self-esteem yun, hindi maganda. Tapos tatambad sayo sa salamin sa fitting room ng hindi pamilyar na lugar ang hindi mo maunawaang hugis ng iyong katawan. Parang kahit mag-isa ka doon ay nililibak ka ng mga anino ng imaheng dati nang humarap sa salamin na iyon. Kung nakakapayat lang ang inis, baka namayat na ako ng bigla.

Hinuhugis daw ng lipunan ang mga preference ng tao --ang konspeto ng maganda, ng maayos; ng pangit, ng nakakaasiwa. At ang maging babae sa lipunang punong-puno ng ganitong panlalason ay parang pagsasaksak sa sarili nang hindi mo nalalaman, ng walang kalaban-laban. Unti-unti mong kinaiinisan ang sarili dahil hindi ka magkasya sa inilatag na kaayusan ng lipunan.

Hindi ako magkasya sa sizes ng damit na meron.

Tapos maririnig mo ang boss mo sa kanyang walang kakupas-kupas na panlilibak, sa mismong gabi ng event, "Bakit ang taba-taba mo?" Ayun na. Para na akong pinagsakluban ng langit at lupa. Pero tuloy pa rin sa pagngiti hanggang sa matapos ang gabi.

Sa MRT, may nakahiwalay na sakayan ng lalaki at babae. Minsan, mas nakakamatay sumakay sa bahagi ng mga babae. Hindi nila pagbibigyan ang kapwa nila babae. Ang fierce!

At sa gitna ng delikadong sitwasyon na ito, doon pa talaga ako mahihilo bilang nagsisimula na pala ang buwanang sumpa sa pagiging isang babae ko. Wala na akong pakialam. Nagsabi ako sa katapat kong babae kung pwedeng makiupo dahil nahihilo na ako. Pinagbigyan rin naman niya ako.

Minsan, nadadaan lang din naman sa pakiusapan.

Friday, January 13, 2012

Ang Pagtakas

Biglang darating.
Bigla ring aalis.
Maglalaho na tila hindi umiral.
Ako.
Sampid.

Biglang darating.
Bigla ring aalis.
Maglalahong parang bula.
Ako.
Wala.

Thursday, January 5, 2012

Manila Chronicles: It's More Fun in the Philippines

Nagbabalik ang Manila Chronicles!!! *clap clap clap until you drop* At para sa unang entry sa bagong taon, ito ang isang kalokang eksena sa LRT kaninang umaga!!! Ansayasaya! It's more fun in the Philippines!!! GO GO GO SAGO! :P

---

Eksena sa LRT. Nagkapikunan ang dalawang babae dahil masikip at hindi na makagalaw ang mga tao.

Babae 1: Ang tanda mo na ganyan pa ang asal mo!
Babae 2: HOY!!! Sino bang mukhang mas matanda sa atin!
Babae 1: Siyempre ikaw!
Babae 2: Ay maganda ka?
Babae 1: Oo naman! Hindi katulad mo!
Babae 2: Ikaw? Maganda? Tingnan mo nga 'yang itsura mo!
Babae 1: Talaga, maganda ako!

Nang bumaba na sila sa Carriedo:

Lolo 1: Bumaba na rin sa wakas ang mga jologs!