Wednesday, July 11, 2007

Same Sky

"Maybe I'm just a sentimental fool
Bringing back memories
From a photograph of you..."




Ilang taon na ang nakalilipas mula ng huling magpanagpo ang ating mga mata. Sinipat kita nang malapitan, ninamnam ang kasiyahan ng paglatag ng iyong mga mata sa akin habang isinayaw mo ako sa saliw ng sarili kong kahibangan. Nanuot ang iyong tingin sa aking kaluluwa na magpasahanggang ngayon ay nananatiling buhay sa aking alaala.

Pagkatapos ng ilang saglit na iyon, para kang prinsipe na naglaho sakay ng iyong karosa patungo sa mundong hindi ko kayang sundan. At hindi ko rin namang ninais na sundan ka noon dahil hindi ko alam kung sakaling magpanagpo tayong muli ay tatanggapin mo ang bisitang hindi mo naman gustong makita.

At dumagdag ang panghihinayang at pagmamaliit ko sa sarili sa humahabang panahon ng ating paghihiwalay. Mag-iisang dekada na at hanggang ngayon, ni anino mo'y hindi ko man lang masilayan. Sa panaginip lamang tayo nagtatagpo - sa aking panaginip. Habang ang mga mata ko'y hinihintay kang masilayang muli, ang aking isipan ay naglalakbay at hinahanap ka, at sa panaginip ko'y natatagpuan kita.
Sana'y bumibisita rin ako sa panaginip mo. Ang saya sigurong isipin na habang bisita kita sa panaginip ko'y bisita mo ako sa panaginip mo, habang pareho tayong nangangarap sa ilalim ng nag-iisang langit. Pagkagising natin, nasaang lupalop man tayo ng magkaibang mundo, iisa pa ring langit ang umiibabaw sa atin, iisang araw ang sumisikat at lumulubog, at iisang buwan ang tumatanglaw sa atin sa pagbayubay natin sa ating panaginip.

Kung sana'y pareho lang tayong nananaginip.


-----
Maligayang kaarawan sa'yo, B.